Di makatulog
Madaling araw na. Nalalapit na ang bukang liwayway. Ngunit hanggang ngayon ay nakamulat pa ang aking mga mata. Hindi ko malaman kung nasobrahan lang ako sa kape o talagang wala na ako sa katinuan dahil sa kakaisip sa iyo.
Ilang gabi na rin akong ganito. Tuliro at hindi mapakali. Sadyang nag-aalala sa mga bagay na maaaring mangyari sa bawat araw. Paano kaya kung sabihin ko sa iyong mahal kita? Matuwa ka kaya at tanggapin ang buo kong pagkatao?
Oo, inaamin ko mahal na mahal kita. Kaya lang natatakot akong sabihin ang aking nadarama. Kasi baka magkaiba tayo ng paraan ng pagtitig sa mga bituin sa langit. Baka hindi tayo parehong natutuwa sa pagsikat ng araw sa bukang liwayway. Baka ang hanging iyong nilalasap ay iba sa hanging nagbibigay buhay sa akin. Baka kapag sinambit ko ang mga katagang iyon ay patuloy ka nang lumayo sa piling ko.
Marahil nga ay naduduwag ako. Natatakot akong mawala sa akin ang taong nagiging dahilan ng mga ngiti ko sa labi. Natatakot na mawala ang babaeng kailan man ay hindi naging akin.
Mahal na mahal kita. Hindi ko man masabi, sana maramdaman mo!