Friday, November 12, 2004

Nice Game

Martes na. May laban na naman kami mamya sa basketball. Medyo kinakabahan kasi tagilid kami sa laban. Mukhang malakas ang team na makakasagupa namin mamya. Kailangan kong magpakondisyon. Kailangang maghanda. Bumili na nga ako ng red bull eh, nang magka-extra energy namam ng konti. Pano ba naman kasi, kagabi nagpuyat na naman. Namalantsa kasi ako ng sangkatutak. Tapos nilabhan ko pa ang uniform na gagamitin ko para sa laro. Kaya heto, inaantok ako.

Kailangan pang hintayin ang buong maghapon. Mamayang gabi pa kasi ang laro eh. Kaya heto, pinipilit na manatiling gising habang nakaharap sa PC at nahihilo na sa kaka-code. Kaya ko pa namn siguro, dalawang oras na lang naman eh at lalabas na kami.

Pagpatak ng alas singko. Bigla ka nag-pop. Sabi mo “hello, may game pala kayo mamya. Gudluck po sa game. Galingan mo ha”. Natuwa naman ako. Naaalala mo pa pala ako sa kabila ng napaka abalang araw mo. Sumagot ako ng “opo may laro kami”. Pero hindi lang dun natapos. May pahabol ka pa na “kumain ka muna bago ka laro ah :)”. Bagay na napagpasaya sa akin ng lubos. Para akong nasusunugan ng bahay at bumubuhos lahat ng “adrenaline” ko. Daig ko pa ang umiinom ng sustagen at kumakain ng star margarine araw araw. Nawala ang antok ko at sakit ng katawan. Parang Alaxan SF sa tindi ng epekto.

Iba ka talaga, iba talaga ang nagagawa mo sakin. Iba talaga ang pakiramdam ng may kagaya mo sa tabi ko. Sana di ka na mawala sa tabi ko. Sana lagi ka nandyan. Sana nga tayo na.

Alam ko darating ang araw na mawawala ka na sa tabi ko. Malamang makakalimutan mo na rin ako. Pero bago mangyari yun. Sana naramdaman mo na sa kahit sandaling pagkakataon na nagkasama tayo minahal kita ng lubos sa paraang alam ko.

Natalo kami sa laban. Pero ok lang. Kasi, sa iyo kahit papaano, nanalo ako.