Akala ko ba iniiwasan mo na sya? Bkit mo sya niyaya gumimik?
Matagal kona rin sya di nakasama eh. Sa totoo lang namiss ko na sya. Kahit yata isang oras ko lang sya di makita namimiss ko na agad sya. Kaya ayun, sabi ko sa sarili ko bahala na. Niyaya ko sya lumabas. Tinanong niya ako kung ano raw gagawin namin? San daw kami pupunta? Sabi ko “bahala na kung san natin maisip pumunta at kung ano maisip natin gawin”. Tapos sabi mo “sige nood na lang tayo ng sine, matagal na kasi akong di nanonood ng sine eh” at masaya akong sumagot ng “oo cge”. Sa totoo lang yun din ang nasa isip ko eh, di naman kasi ako gano mahilig sa night life at ang panonood lang ng sine ang madalas kong libangan.
Maya maya pa nagyaya ka na umalis. Sumakay tayo ng FX papuntang Landmark. Tapos masaya nating binaybay ang landmark papuntang Glorietta. Natutuwa ako kasi nakikita kong masaya ka. Nakakagaan ng loob na makita kong napapasaya kita. Syempre bago tayo nanood kumain muna tayo sa jollibee. Ang fastfood na pareho nating gusto. Karamihan kasi sa mga kakilala ko ang gusto ay Mcdo kaya madalang ko na lang matikman ang spaghetti ng jollibee na pareho nating paborito. Andami mong inorder, mas marami pa sa order ko. Sabi ko “di ka naman gutom?”. Ngumiti ka at sinabing “pasensya na, gutom kasi ako eh”. Kung alam mo lang kung gano ako natuwa kasi di ka nahihiya sa akin. Kasi pagkasama mo ako ang sarili mong pagkatao ang ipinapakita mo at di mo na kailangang magmaskara pa. Kuwentuhan tayo habang kumakain, tawanan biruan, kulitan. Nadagdagan na naman ang mga larawan mo sa “cellphone” ko. Meron na naman ako pagmamasdan tuwing mag isa ako at walang kasama.
Pagkatapos natin kumain, tumingin na tayo ng mapapanood. Nakita ko na may horror na palabas. Biniro kita at sinabing yun na lang ang panoorin natin. Sumimangot ka at parang batang nagsabi na ayaw mo yun kasi natatakot ka. Natawa ako sa iyo at sumang ayon na lang sa gusto mong panoorin. Sa sandaling magkasama tayo ngayon, di ko na mabilang kung ilang beses mo akong napatawa.
Sabi mo iyong “First Daughter” na lang ang panoorin natin. Ewan ko ba kung bakit yung palabas lang na iyon ang hindi nakakatakot. Bumili na ako ng ticket, kaya lng may 30 minutos pa bago magsimula ang palabas kaya nagpasama ka muna sa National Bookstore para tumingin ng ireregalo mo sa matalik mong kaibigan na nasa ibang bansa. Ang sweet natin noon. Kung may makakakita sa atin at makakarinig kung pano tayo mag usap marahil iisipin nila na magkasintahan tayo. Kulang na lang ay hawakan ko ang iyong mga kamay habang naglalakad tayo at ipakita sa lahat kung gaano kita kamahal.
Pagkatapos nagtungo na tayo sa sinehan. Seryoso ka habang nanonood at napapatingin sa akin kapag may parteng nakakatawa sa palabas. Ako naman seryoso din, seryoso sa kakatitig sayo habang patuloy sa pag rolyo ang pelikula. Wala nga gaano akong maalala sa palabas eh. Abala kasi ako sa pagtitig sa iyo at sa paglasap sa mga sandaling kasama kita. Pakiramdam ko nasa tabi ko ang buong mundo, abot kamay ang taong itinatangi ko.
Nang matapos na ang palabas. Yayain sana kitang maglakad muna pero nakikita kong pagod ka na sa maghapon at kailangan mo nang maidlip. Kaya dumiretso na tayo pauwi. Nagdesisyon akong mag-cab na lang tayo para di ka na mapagod maglakad papunta sa sakayan.
Sa loob ng taxi. Nagkwentuhan tayo, medyo natuwa pa nga ako kasi traffic. Ibig sabihin madadagdagan pa ang mga oras na kasama kita. Ngunit batid ko na sadyang pagod ka na kaya sinabi ko na matulog ka na muna. Habang naiidlip ka, pinagmamasdan kita. Hinihiling na sana di na matapos ang gabi. Upang di na rin matapos ang saya na nararamdaman ko tuwing kasama ka. Maya maya pa, nakarating na tayo sa apartment nyo. Kagaya ng dati hinintay mo muna akomakasakay, pero sabi ko “umakyat ka na at magpahinga kasi inaantok ka na”. Sabi mo “di pa namn, gising pa naman ako”. Nagpaalaman na tayo sa isat isa at sumakay na ako sa paparating na jeep. Naisip ko tama na muna para sa gabing ito. Tama na muna at baka mahulog ako…